BAGUIO CITY – Nahuli ang isang 29-anyos na lalaki, na itinuturing na High Value Individual (HVI) at residente ng Upper Rock Quarry, Baguio City, matapos madiskubre ng pulisya ang hinihinalang illegal na droga at drug paraphernalia sa loob ng kanyang sasakyan.
Sa ulat ng pulisya, naobserbahan ng mga awtoridad ang isang maroon Nissan Sentra Sedan na nakaharang sa kalsada sa Quirino Highway, Purok 3, Irisan, Baguio City, sa harap ng Baguio City Police Office Station 9.
Dahil dito, nilapitan ng mga awtoridad ang nasabing sasakyan at hiningan ng identification at driver’s license ang suspek, ngunit wala umano itong maipakita.
Habang isinasagawa ang police intervention, napansin ng isa sa mga responding personnel ng BCPO Station 9 ang isang maliit na pouch na naglalaman umano ng hinihinalang shabu sa loob ng sasakyan.
Agad itong kinumpiska at isinailalim sa security ng mga awtoridad bago dinakip ang suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang apat na heat-sealed transparent sachets na naglalaman umano ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 10.77 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱73,236 batay sa street value.
Sa pagpapatuloy ng search sa loob ng sasakyan, nasamsam din ang iba pang umano’y drug paraphernalia at kagamitan, kabilang ang isang black digital weighing scale, transparent glass tube o tooter, isang transparent glass tube o tooter na may lamang hinihinalang liquid shabu, stainless steel tweezer, stainless steel nipper, maroon coin purse, dalawang lighter, stainless steel scissors, rolled aluminum foil, pakete ng transparent plastic sachets, at ang mismong sasakyan.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at inquest proceedings.
Haharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 11 at 12, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, kaugnay ng possession of dangerous drugs at drug paraphernalia.
Batay sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo News Team, ito na umano ang ikalawang pagkakataong nahuli ang suspek kaugnay ng kaparehong kaso.
Na-dismiss umano ang nauna nitong kaso matapos itong mahuli noong 2024.| via Bombo Noveh Organo










