--Ads--

BAGUIO CITY – Pinaghahandaan ngayon ng Office of the Civil Defense – Cordillera ang papalapit na La Nina phenomenon na inaasahang magsisimula sa susunod na buwan hanggang Agosto ngayong taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Frankie Cortez, Chief Operations Section ng Office of the Civil Defense – Cordillera, nabuo na nila ang Oplan La Nina para sa iba’t ibang estratehiya, polisiya, at aktibidad bilang paghahanda.

Aniya, 62% na mararanasan ang pag-ulan sa rehiyon Cordillera simula sa buwan ng Hunyo.

Dahil dito, umapela si Cortez sa publiko na makibahagi sa mga clean-up drive at makipag-ugnayan sa mga kinauukulang opisina upang maiwasan ang pinsala at pagkasawi sa panahon ng kalamidad.

Idinagdag pa ng nasabing opisyal na maging alerto at sumunod sa mga regulasyon ng mga lokal na pamahalaan.

Samantala, isa ang kennon road na binabantayan ng kinauukulang opisina dahil madalas maranasan dito ang pagguho ng mga lupa at bato tuwing nararanasan ang malakas na pag-ulan.

Sa pamamagitan nito ay maipasigurado ang kaligtasan ng mga residente at motorista.