Baguio City-Naghahanda na ang phenom race car driver na si Iñigo Anton para sa muling pagsali nito sa Formula 4 Australian Championship na gaganapin sa Sepang Circuit, Malaysia mula Setyembre 6-8.
Ayon sa 20 anyos na champion driver, ilang buwan na ang isinasagawa niyang training bilang paghahanda sa pinakamalaking karera niya ngayong taon.
Kasama sa training regimen ng Baguio high speed driver ang pagamit ng driving o racing simulator at pagmaneho ng mga sasakyang prototype o katulad ng mga ginagamit sa F4 races.
Kakarera din ito sa touring car races sa Malaysia upang makabisado ang Sepang International Circuit.
Nakatakdang lumipad sa Malaysia ang Philippine National Champion ngayong Biernes upang sumali sa 500-kilometers race na higit na makakatulong sa kanya para ma-acclimatize at ma-familiarize ang tanyag at sikat na dating Sepang Formula 1 circuit.
Magiging malaking hamon para sa 3rd year Business Administration student ng University of Baguio ang mga top caliber at world class European race car drivers mula Formula 3 at Formula 1 Academy kung saan naniniwala ito sa kanyang kakayahan at skills para makuha ang podium finish.
Ibabandera ng Filipino driver ang Black Arts Racing sa pamumuno ng dating Formula 1 driver na si Alex Yoong.
Humakot na ng 21 na Philippine National Championship Titles ang Car racer at Sim Racer kung saan nag overall champion ito sa ibat ibang racing disciplines tulad ng Karting, Autocross, Rally of Champions, TGR Vios Cup, Radical Cars-SR1, Formula V1, Circuit Racing at Sim-Virtual Racing.
Pinarangalan ang speed racer bilang Driver of the Year for Circuit Racing ng Automobile Associaion of the Philippines noong 2003.
Nagsimulang kumarera si Iñigo sa edad na walo dahil na din sa impluwensya ng kanyang ama na si Carlos Anton na isa din race car driver at tumatayo ding coach nito at kanyang ina na si Karen Navarette Anton bilang manager.//Jordan Tablac