--Ads--

Isang bagong hakbang tungo sa mas mabilis at mapayapang resolusyon ng mga alitan ang isinulong sa lalawigan ng Kalinga sa opisyal na paglulunsad ng kauna-unahang Court-Annexed Mediation Unit, ang Philippine Mediation Unit (PMU)–Kalinga, sa pangunguna ng Regional Trial Court (RTC) Branch 25 sa Bulanao.

Layunin ng PMU–Kalinga na bawasan ang pagsisikip ng mga kaso sa korte habang binibigyang-diin ang diyalogo at pagkakasundo—mga prinsipyong matagal nang isinasabuhay sa tradisyunal na Bodong system ng lalawigan.

Sa ilalim ng mediation, binibigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na pag-usapan at lutasin ang kanilang alitan sa isang ligtas at istrukturadong proseso, sa tulong ng mga sinanay na tagapamagitan, bago pa man humantong sa mahabang paglilitis.

Sa pormal na pulong na ginanap sa RTC, Capitol Hills, Bulanao, apat na akreditadong tagapamagitan ang itinalaga upang mangasiwa sa mga kasong ire-refer ng korte. Ang mga ito ay sina Antonio Dumalan at Cirilo Indammog ng Mangali, Tanudan; Vicente Bentican, Chairman at Founder; at Crispin Gayagay ng Bulanao.

Ayon kay Bentican, ang bagong yunit ay hindi papalit kundi magpapalakas sa Bodong system, dahil magsisilbi itong tulay sa pagitan ng pormal na sistema ng hustisya at ng nakaugaliang paraan ng paglutas ng sigalot sa Kalinga.

Sa ilalim ng patakaran, tanging mga kasong ni-refer ng korte at may pahintulot ng magkabilang panig ang maaaring dumaan sa mediation. Kapag nagtagumpay ang kasunduan, ito ay isusumite sa prosekusyon para sa posibleng pagbasura ng kaso.

Ang PMU–Kalinga ay bahagi ng mas malawak na inisyatiba ng Korte Suprema na isulong ang restorative justice, kung saan inuuna ang pagkakaunawaan, pananagutan, at pagpapanumbalik ng ugnayan sa komunidad.