
Muling nanawagan ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa publiko na seryosohin ang bawat earthquake drill bilang paghahanda sa posibleng pagtama ng ‘The Big One’—isang malakas na lindol na maaaring magdulot ng matinding pinsala.
Ayon kay PHIVOLCS Senior Science Research Specialist Bhenz Rodriguez, patuloy nilang namo-monitor ang mahihinang pagyanig na dulot ng West Valley Fault—isang aktibong fault line na posibleng pagmulan ng isang magnitude 7.2 na lindol o mas mataas pa.
Aniya, ang pinakahuling pagyanig na naitala sa nasabing fault ay noong Marso 14, na may lakas na magnitude 1.5 at natukoy sa bisinidad ng Doña Remedios Trinidad, Bulacan.
Ayon kay Rodriguez, ito ay dapat magsilbing paalala sa publiko tungkol sa banta ng West Valley Fault at ang kahalagahan ng pagiging handa.
Ang West Valley Fault ay may habang 100 kilometro at bumabagtas sa ilang mga probinsiya at lungsod sa Luzon, kabilang ang Bulacan, Rizal, Laguna, at Cavite.
Kabilang din dito ang mga matataong lungsod gaya ng Quezon City, Pasig City, Marikina City, Taguig City, at Muntinlupa City.
Idinagdag niya na kailangang seryosohin ng publiko ang mga earthquake drill na isinasagawa nang apat na beses sa loob ng isang taon upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Huling naitala ang major earthquake sa ilalim ng West Valley Fault noong 1658. Batay sa pag-aaral ng mga eksperto, may posibilidad na muling magdulot ito ng malakas na pagyanig kada 200 hanggang 400 taon.
Dahil dito, muling pinaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na maghanda at seryosohin ang earthquake drills upang maiwasan ang malawakang pinsala at pagkasawi sakaling tumama ang ‘The Big One’.