Bombo Radyo Baguio

Pinoy racing phenomenon Iñigo Anton, nag-Podium finish sa Malaysian Touring Car Championship

BAGUIO CITY – Nakapagtala ng isa na namang karangalan ang Pinoy race car driver na si Iñigo Anton matapos makakuha ng podium finish sa kanyang debut race gamit ang bagong Proton S70 race car sa pinakamataas na klase ng Malaysian Touring Car Championship (MTCC) sa Sepang International Circuit sa Malaysia.

Ang Baguio boy at speed racer na si Anton, na kumatawan sa Pilipinas, ay nakipagsanib-puwersa kay Azriel Azhar, na nagsilbing co-driver sa pagmamaneho ng bagong-develop na Proton S70 race car ng Axle Motorsport, na itinatag ng dating Formula 1 driver na si Alex Yoong.

Muling pinatunayan ng batang kampeon ang kanyang husay at kakayahang makipagsabayan sa mga batikang racer nang agad niyang maiakyat sa podium ang bagong touring car sa unang competitive weekend nito, sa suporta ng Motul.

Sumailalim sa re-engineering ang Proton S70 race car sa ilalim ng Axle Motorsport, sa teknikal na suporta ng Proton. Kabilang sa mga pangunahing tampok nito ang 1.5-liter, four-cylinder turbo engine na idinisenyo para sa matinding kompetisyon.

Sa unang competitive debut nito, hinarap ng sasakyan ang matinding hamon mula sa mga beteranong race driver sa premier MT1600 class.

Sa kabila ng pagiging bagong makina, nagpakita ito ng kahanga-hangang consistency, bilis, at mechanical reliability sa buong kompetisyon.

Malaki rin ang naging papel ng mentorship ng dating F1 driver na si Alex Yoong sa patuloy na pag-unlad ni Anton bilang racer. Sa ilalim ng kanyang paggabay, unti-unting umusbong si Anton bilang isa sa mga mahusay at hinahangaang race car driver sa Southeast Asia.

Sa ilalim ng mentorship ni Yoong sa Axle Motorsport, lalo pang nahahasa ang tumpak na pagkontrol ni Anton sa sasakyan at ang kanyang husay sa karera, habang nakatutulong din ang kanyang performance sa pagkalap ng mahahalagang datos para sa patuloy na development ng Proton S70 race car.

Bahagi ito ng paghahanda ng koponan para sa mga susunod na endurance challenge, kabilang ang Sepang 1000km na gaganapin ngayong weekend.

Ayon kay Anton, isang karangalan para sa kanya ang maidebut ang Proton S70 Race Car sa Malaysian Touring Car Championship at maipagpatuloy ang pagwawagayway ng bandila ng Pilipinas sa international motorsport scene.

Exit mobile version