BAGUIO CITY – Halos kalahating milyong piso na ang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Cordillera Administrative Region dahil pa rin sa nararanasang El Niño phenomenon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Crisante Rosario, Disaster Risk Reducton and Management Focal ng Department of Agriculture – Regional Field Office – Cordillera, mahigit 444 million pesos pinsala na naitala ng kanilang opisina.
Aniya, 7,800 na magsasaka ang nakakaranas ng pagkalugi dahil sa pagkasira ng kanilang mga pananim.
Labis na naapektuhan ang lalawigan ng Ifugao na umaabot sa mahigit P232 milyon ang pinsala sa kanilang agrikultura.
Sinundan ito ng Mountain Province na mahigit P160 million, Kalinga na mahigit P51 milion, Abra na P591,880 at lalawigan ng Benguet na P323,910.
Ayon pa kay Rosario, maraming pananim na mais ang nasira dahil mahigit P411 million ang naitalang production loss ng 5,896 na magsasaka.
Mahigit P33 million naman ang production loss ng mga 1,912 na magsasaka na nagtanim ng palay habang aabot sa 1,470 kilo o P226,090 ang production loss ng animnapu’t tatlong mangingisda.
Sa kabuuan ay nasa 26,000 metric tons ang production loss sa sektor ng agrikultura sa rehiyon Cordillera.
Dahil dito, inihayag ni Rosario na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Department of Agriculture – Cordillera sa ibat-ibang ahensiya ng gobyerno at local government unit para matulongan ang mga apektadong magsasaka.
Kabilang dito ang rotational water delivery at water distribution na isinasagawa ng National Irrigation Administration sa hangaring makapagbigay ng sapat na tubig sa lahat ng mga planta ng sakahan sa rehiyon.
Bukod pa rito, patuloy ang pag-iikot ng ahensiya sa merkado publiko para mabantayan ang paggalaw ng presyo ng mga produktong pang-agrikultura.