--Ads--

BAGUIO CITY – May Napili na ang Baguio Correspondents and Broadcasters Club (BCBC) na pitong bisita na mabibigyan ng red-carpet treatment habang sila ay nakabakasyon sa Baguio City ngayong summer vacation.

Sa isinagawang Search for Lucky Summer Visitor 2024 ngayong araw, pumunta sa Pugo, La Union ang Baguio Tourism Office, at Baguio Correspondents and Broadcasters Club kung saan dito sila pumara ng mga bus.

Aabot sa dalawamput tatlo na bus ang kanilang pinara bago sila makapili ng pitong Lucky Summer Visitor.

Kabilang sa mga napili ang magkasintahan mula Calinan, Davao City at ang limang miyembro ng isang pamilya mula Negros Occidental.

Kabilang sa mga kriteria sa pagpili ay dapat first time na bumisita sa Summer Capital of the Philippines, aktibo sa social media at gustong magtagal sa lungsod hanggang linggo, Marso trenta, ala una ng hapon.

Mabibigyan ang mga napiling bisita ng libreng accomodation, pagkain, tour at transportasyon papunta sa ibat-ibang sikat na pasyalan sa Baguio City at probinsiya ng Benguet.

Kabilang dito ang Igorot Stone Kingdom, Wright Park, Burnham Park, Benguet State University Strawberry Farm, Northern Blossom at marami pang iba.

Ang Search for Lucky Summer Visitors ay taon-taon na isinasagawa ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club para mas lalong maipromote ang turismo sa Baguio at Benguet.