BAGUIO CITY – Pitong magkakamag-anak mula Pasig City at Pangasinan ang pinalad na mapili bilang Lucky Summer Visitors 2025 ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club (BCBC), isang taunang tradisyon tuwing Semana Santa.
Kabilang sa napiling grupo sina Julia A. Celestino, 11 anyos; Carolyn Andres Celestino, 57; Ricardo Celestino Jr., 62; Eunice Celestino, 13; Eugin Celestino, 3; Jerome Celestino, 30, mula Ramos Village, Manggahan, at Sta. Lucia, Pasig City; at si Jellyn Bautista, 31 anyos, mula Balungao, Pangasinan.
Tatanggap ang grupo ng apat na araw na red-carpet treatment, kung saan sasagutin ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club at mga partner agencies ang kanilang pamasahe, pagkain, akomodasyon, at guided tours sa mga pangunahing tourist destinations sa Baguio City at lalawigan ng Benguet mula ngayon hanggang Linggo, Abril 20.
Madaling araw kanina, tumulak ang Baguio Correspondents and Broadcasters Club patungong Pugo, La Union, upang doon pumara ng mga bus na paakyat ng Baguio. Umabot sa siyam na bus ang kanilang pinara bago tuluyang napili ang pamilya Celestino bilang mga Lucky Summer Visitors ngayong taon.
Ayon kay Dionisio Dennis, Jr. presidente ng naturang club, kabilang sa mga pangunahing kwalipikasyon para sa pagpili ay dapat unang beses pa lamang aakyat ng Baguio, handang manatili sa lungsod sa loob ng apat na araw, at bukas sa pagsunod sa mga itinakdang alituntunin at iskedyul ng mga aktibidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa pamilya Celestino, ibinahagi nila ang kanilang labis na tuwa at excitement dahil pagkakataon nilang magdiwang bilang buong pamilya sa isang lugar na matagal na nilang pinapangarap mapuntahan.
Nais din nilang ipagdiwang sa Baguio ang ika-34 anibersaryo ng kanilang lolo at lola, na siyang naging inspirasyon ng kanilang bakasyon ngayong Semana Santa.
Ang “Search for Lucky Summer Visitors” ay isang taunang proyekto ng Baguio Correspondents and Broadcasters Club (BCBC), katuwang ang iba’t ibang ahensya sa lungsod. Layunin nitong bigyan ng natatanging Baguio experience ang mga first-time visitors sa pamamagitan ng apat na araw na red-carpet treatment, mula Maundy Thursday hanggang Easter Sunday, bilang bahagi ng summer tourism promotion ng Baguio at Benguet.