BAGUIO CITY – Pinarangalan ng Mountain Province si PNP Chief Ronald “Bato” dela Rosa sa pamamagitan ng pagdedeklara sa kanya bilang ‘adopted son’ ng MontaƱosa sa isanagawang ‘cultural adoption’ rite kasabay ng 50th Foundation Day ng lalawigan.
Pinangalanan itong “Muling” na ang ibig sabihin ay “unbreakable one” at “firm” sa salita ng mga Igorot.
Si PNP Chief Dela Rosa ang nagsilbing panauhing pandangal sa selebrasyon ng Golden Anniversary ng Mt. Province.
Pinangunahan ni Mt. Province Governor Bonifacio Lacwasan Jr. ang pagbigay parangal kay Dela Rosa.
Ayon kay Lacwasan, pinili nila ang pinili nila ang Igorot name na “Muling” para sa PNP Chief dahil sa katatagan nito sa kampanya laban sa iligal na droga at sa ginagawang cleansing sa hanay ng mga pulis na sangkot sa korapsyon.
Ipinagkaloob kay Dela Rosa ang Igorot blanket na tinatawag na “pinagpagan” bilang simbolo ng kanyang pamumuno, headgear na tinatawag na “suklong” o “fallaka” para sa kanyang karunungan at “tubay” o spear at “kalasag” o shield bilang pagkilala sa kanyang pagiging mandirigma.
Labis namang ikinagalak ng PNP Chief ang pagiging adopted son ng Mt. Province.
Sinabi pa ni Dela Rosa na matagal na niyang hinahangaan ng mga residente ng Mt. Province at ng rehiyon Cordillera lalo na at 13 sa SAF 44 na namatay sa January 2015 Mamasapano incident ay galing sa nasabing rehiyon.
Maliban kay Dela Rosa, noong April 2008 ay kinilala ding adopted son ng Mt. Province si dating Senator Bong Revilla na pinangalanang “Oddagan”.