--Ads--

Patuloy ang isinasagawang follow-up investigation ng mga operatiba ng intelligence at imbestigador ng PNP Tabuk kaugnay ng pamamaril na naganap pasado alas-tres ng madaling araw ng Martes, Pebrero 3, 2026, sa Double A Building na matatagpuan sa Mayangao Street, Dagupan Centro, Tabuk City, Kalinga.

Kinilala ang biktima na si Ryan Manzano Aggal, 29 taong gulang, walang asawa, kawani ng nasabing establisyemento at residente ng Uma, Lubuagan, Kalinga. Siya ay isinugod sa Almora General Hospital bago pa dumating ang mga rumespondeng pulis ngunit idineklarang patay.

Ayon sa ulat ng PNP, nakatanggap ng tawag ang kanilang tanggapan mula sa City Tactical Operations Center (CTOC) kaugnay ng insidente. Sa pagsusuri ng CCTV footage ng establisyemento, nakita ang dalawang lalaking indibidwal na dumating sa lugar bandang alas-3:15 ng umaga at pumasok sa gusali kung saan natutulog ang biktima sa sofa malapit sa receiving area. Matapos tiyaking naroon ang biktima, pansamantala umanong lumabas ang mga suspek.

Ilang sandali pa, lumabas ang biktima upang umihi at bumalik sa kanyang hinihigaan. Bandang alas-3:20 ng madaling araw, muling pumasok ang isa sa mga suspek, bumunot ng baril at binaril ang biktima sa bandang tiyan bago mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo patungong silangan kasama ang kasamahan nito.

Isang basyo ng bala na kalibre .45 ang narekober sa pinangyarihan ng krimen. Dalawa ang itinuturing na suspek na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakikilala.

Samantala, agad na nagsagawa ng checkpoints at dragnet operations ang mga tauhan ng Tabuk City Police Station upang matunton at madakip ang mga responsable sa krimen.