
Kinondena ng Philippine National Police Training Institute (PNPTI) ang naiulat na umano’y rape incident na kinasasangkutan ng isang police trainee at isang PNP personnel na nakatalaga sa Cordillera Administrative Region Training Center (CARTC), Teacher’s Camp, Baguio City.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, ang biktima ay isang 23-anyos na police trainee, habang ang suspek ay isang 41-anyos na police training officer na may asawa.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang unang insidente noong Enero 20, kung saan inutusan umano ang biktima ng duty guards na magtungo sa barracks ng suspek. Sumunod umano ang biktima, ngunit dito na siya umano’y pinagsamantalahan ng suspek sa loob ng training facility.
Nangyari ang ikalawang insidente noong Pebrero 8, kung saan muling tinawag ang biktima at ang kanyang kasama sa barracks. Ayon sa mga awtoridad, pinalabas umano ng suspek ang kasama ng biktima bago umano isinagawa ang panggagahasa habang nag-iisa ang biktima.
Kinumpirma naman ng PNP Training Institute na ang kaso ay pormal nang naihain sa angkop na Prosecutorial Office at kasalukuyan nang isinasagawa ang administrative proceedings.
Muling iginiit ng ahensya na walang puwang sa Philippine National Police (PNP) ang anumang uri ng pang-aabuso sa kapangyarihan o misconduct.
Tiniyak ng PNPTI sa publiko na ipatutupad ang hustisya nang may agarang aksyon, transparency, at pananagutan, at ang sinumang mapapatunayang nagkasala ay haharap sa buong bigat ng batas na walang eksepsiyon.
Habang patuloy na isinasagawa ang due process, muling pinagtitibay ng PNPTI ang kanilang pangako na mapanatili ang isang ligtas, maayos, at may paggalang na kapaligiran sa pagsasanay para sa lahat ng police trainees at personnel.
Hinihikayat din ng PNPTI ang lahat ng miyembro nito na panatilihin ang pinakamataas na antas ng disiplina, integridad, at propesyonalismo, at manatiling tapat sa tungkulin na maglingkod at magprotekta sa sambayanang Pilipino.




