Inihayag ni Atty. Michael Poa, bahagi ng legal team ni Vice President Sara Duterte, na normal lamang para sa depensa na maghain ng mga pagtutol sa impeachment trial upang mailagay ang kanilang mga argumento sa opisyal na rekord.
Ayon kay Poa, bagama’t marami sa kanilang objections ang ibinasura ng Senate impeachment court, mahalaga pa rin na maitala ang mga ito, lalo na kaugnay ng mga dokumentong inihaharap ng prosekusyon.
Iniharap ng House prosecution panel bilang ebidensya ang video ng press conference ni Duterte noong Nobyembre 2024, kung saan gumawa siya ng mga pahayag laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.
Sinabi naman ni Poa na nakabatay ang kanilang pagtutol sa mosyon nilang alisin ang ilang dokumento na umano’y hindi bahagi ng orihinal na impeachment complaint o tumutukoy sa panahong hindi pa impeachable officer ang Pangalawang Pangulo.










