--Ads--

Tumaas ngayon ng hanggang halos doble ang presyo ng bawat drum ng tubig mula sa mga water delivery firms sa Summer Capital of the Philippines dahil sa patuloy na kakulangan ng suplay ng tubig dito dulot ng El Nino Phenomenon.

Base sa reklamo ng mga residente, mula sa dating P40.00 bawat drum ay umaabot ngayon sa P60 hanggang 100 pesos ang presyo ng bawat drum ng tubig lalo na sa mga malalayo at matataas na lugar sa lungsod ng Baguio.

Ayon naman sa ilang mga water delivery firms, hirap na rin kasi silang makakuha ng suplay mula sa mga water sources dahil kumukunti na ang water level ng ilan nilang water sources at tumaas pa ang demand nito.

Una dito, inamin ng Baguio Water District na humina na ang pressure ng tubig mula sa kanilang deepwells at dina nila kayang suplayan ng regular ang mga lahat ng kanilang mga kliente.

Sinabi naman ni Mayor Benjamin Magalong na regular ang kanilang uganayan sa Baguio Water District para maayos ang suplay at mapangasiwaan ng maayos ang pamamahagi ng tubig sa mga residente.

Nagbabala naman ito sa mga negosyante ng tubig na huwag samantalahin ang nararanasang epekto ng El nino.

Kaugnay nito, kinausap ng alkalde ang mga establisyimento tulad ng car wash shop, hotel at accommodation establishments na tumulong sa pagtitipid sa paggamit ng tubig.

Ayon sa opisyal, kailangang seryosohin ng mga residente at establisyimento ang pagtitipid ng tubig.

Una na ring sinabi ni City Administrator Engr. Bonifacio dela Peña na nasa kritikal ng kondisyon ang suplay ng tubig sa City of Pines dahil bumaba na ang lebel ng tubig sa mga deep wells at watersheds, at sa rain water harvesting facility ng Baguio Water District sa Santo Tomas, Tuba, Benguet.