BAGUIO CITY – Nananatiling normal ang presyo ng mga highlands vegetables sa lalawigan ng Benguet habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo-Baguio kay Agot Balanoy, presidente ng isang asosasyon ng mga magsasaka sa La Trinidad Trading Post, sinabi niya na nananatiling mura ang mga gulay roon lalo na yaong mga leafy vegatables.
Aniya, batay sa wholesale buying price, ang wombok ay nagkakahalaga ng P6 hanggang P9 sa bawat kilo; ang broccoli ay P20 hanggang P27 bawat kilo; cauliflower ay P24 hanggang P28 sa bawat kilo.
Sinabi niya na nasa P40 pataas din ang presyo ng bawat kilo ng patatas at carrot habang ang sayote ay nasa P7 hanggang P8 bawat kilo.
Kasabay nito ay tiniyak ni Balanoy na magiging sapat ang suplay ng nga highland vegetables sa holiday season dahil sa maraming suplay.
Ang lalawigan ng Benguet at iba pang lugar sa Cordillera ay kabilang sa mga pangunahing supplier ng mga highland vegetables sa mga karatig na lalawigan, gayundin sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa.










