Hinihikayat ang publiko, lalo na ang mga nais magpatattoo, na bumisita sa Buscalan, Kalinga habang aktibo pa sa tradisyunal na pagtatattoo si Apo Whang-Od.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio kay Remy Erminger, isang accredited Buscalan tour guide, sinabi niyang mainam na samantalahin ang pagkakataon at magpatattoo habang maayos pa ang paningin ni Apo Whang-Od, na aniya ay may katandaan na.
Ayon pa sa kaniya, sinasabi umano ni Whang-Od na kapag lumabo na ang kaniyang paningin at hindi na siya makakita nang maayos, maaari na lamang siyang magpahinga sa aktwal na pagguhit ng tattoo at sa halip ay magpapa-picture na lamang sa mga bisita.
Ibinahagi rin ni Erminger na batay sa kaniyang personal na obserbasyon at salaysay, nararanasan na umano ni Apo Whang-Od ang ilang epekto ng katandaan, kabilang ang pagbabago sa kalusugan at pangangatawan. Gayunman, patuloy pa rin itong naglilingkod sa mga bumibisita hangga’t kaya pa.
Samantala, tiniyak din niya na ligtas ang Buscalan at pinabulaanan ang mga lumang paniniwala na may kaugnayan ito sa headhunting. Aniya, isang payapa at maayos na komunidad ang lugar na bukas para sa mga turista.
Si Apo Whang-Od, na 109 taong gulang na, ay kinikilalang pinakamatandang nabubuhay na mambabatok ng mga Butbut people sa Buscalan, Kalinga.
Patuloy siyang sumisimbolo sa mayamang tradisyunal na sining ng pagtatattoo sa rehiyon at nananatiling inspirasyon sa mga kabataan at sa mga bumibisita sa Buscalan upang masaksihan ang kaniyang kultura at sining.
Kamakailan lamang, tampok din siya sa isang kilalang magazine sa Pilipinas, na lalo pang nagpaangat sa pandaigdigang pagkilala sa kaniyang pamana.






