--Ads--

BAGUIO CITY – Inasahan ni Nicole A. Gonzales, alumna ng University of the Cordilleras na mapapabilang siya sa mga topnotcher pero hindi niya lubos akalain na siya ang magiging rank number 1 sa katatapos na May 2024 Licensure Examination for Certified Public Accountant.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Gonzales na dalawang beses siyang pumasok sa isang review center bago siya sumalang sa board examination para matiyak na mapapabilang siya sa mga topnotcher.

Aniya, nakatulong ang kanyang halos isang taon na pagrereview dahil karamihan sa kanyang mga natutunan ay lumabas sa Licensure Examination for Certified Public Accountant.

Naging emosyonal naman ang ama ni Gonzales na isa ring graduate ng Bachelor of Science in Accountancy nang malaman na rank number 1 ang kanyang anak sa nasabing pagsusulit lalo na at hindi niya naranasang sumabak sa board examination sa kanyang kapanahonan.

Bukod sa kanyang pamilya at mga kaibigan na naging inspirasyon niya upang magpursugi, lubos na pinasalamatan ni Gonzales ang Panginoon dahil ginabayan siya nito upang makamit niya ang tagumpay.