BAGUIO CITY – Hinihikayat ngayon ng Public Order and Safety Division ang mga residente ng Baguio City lalong-lalo na ang mga vendors at buyers sa merkado publiko na makiisa sa ipinapatupad na Rat Catching Challenge.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Market Supervisor IV Ceasar Emilio, sinabi niya na layunin ng Rat Catching Challenge na mapanatili ang kalinisan sa merkado publiko at ang kaligtasan ng mga nagtitinda at mamimili laban sa mga sakit na maaaring makuha sa mga gumagalang daga.
Para mas mahikayat ang publiko na makilahok sa naturang programa, magbibigay ang lokal na gobyerno ng papremyo.
Ang makakahuli ng pinakamaraming daga ay makakatanggap ng P25,000 cash bilang first prize; P15,000 cash ang second prize, P10,000 cash ang third prize at P5,000 ang last prize.
Ayon kay Market Supervisor Emilio, ang mga mahuhuling daga, buhay man o patay ay dadalhin muna sa isang collection point bago maiturn-over sa Baguio City Veterinary Office.
Matatandaan na nag-umpisa ang Rat Catching Challenge Challenge noong lunes, Mayo baente at magtatapos ito sa Agosto trentay uno ng kasalukuyang taon.
Una nang naipatupad ang Rat Catching Challenge sa City of Pines noong taong dos mil baente sa pangunguna ni Mayor Benjamin Magalong para mapigilan ang pagtaas ng kaso ng leptospirosis.