Nagpakitang-gilas ang dalawampu’t limang opisyal na kalahok na nagtatampok sa mayamang pamana ng kultura at sining sa Cordillera.
Muling nabuhay ang makulay na tradisyon at mayamang kultura ng Cordillera sa pamamagitan ng “Rhythm of the Highlands: A Showcase of Culture and Dance,”na bahagi pa rin ng Panagbenga Festival 2026, na ginanap sa Melvin Jones Football Grounds noong Pebrero 15.
Tampok sa okasyon ang mga grupong pangkultura na nagpakita ng makukulay na sayaw, musika, at mga tradisyong sumasalamin sa identidad ng mga pamayanan sa Cordillera.
Layunin ng pagtatanghal na higit pang palakasin ang pagpapahalaga sa pamana ng kultura sa region, gayundin ang pagbibigay-daan sa mga kabataang mananayaw at alagad ng sining upang maipakita ang kanilang talento sa isang makabuluhang entablado.
Nakiisa naman ang maraming lokal at turista sa unity dance, kung saan kapansin-pansin ang mga ngiti at galak ng mga bisita.
Sa huli, itinanghal na kampeon ang Tayaw Di Umili Ensemble, na makatatanggap ng ₱110,000 bukod pa sa ₱40,000. Outstanding Merit naman ang Yaman Cultural Group, na makatatanggap ng ₱60,000 bukod sa ₱40,000, habang Meritorious Recognition ang Uggayam Cultural Dance, na makatatanggap ng ₱30,000 bukod pa sa ₱40,000.
Binigyang-diin ni Baguio City Congressman Mauricio Domogan sa kanyang mensahe na isa sa mga layunin ng Panagbenga Festival ay maipakita sa buong mundo ang kulturang pamana na hindi matatagpuan sa ibang lugar sa Pilipinas kundi sa Cordillera lamang.
Sa kabuuan, ang “Rhythm of the Highlands” ay isa sa mga tampok na kaganapan ng Panagbenga 2026 na patuloy na sumisimbolo sa masiglang diwa ng lungsod ng Baguio at ng buong Cordillera.





