--Ads--

BAGUIO CITY – Inaasahang dadalo ang mga matataas na opisyal ng AFP sa gaganaping Philippine Military Academy Graduation.

Inaasahan ding magkikita muli sina Pangulong Rodrigo Duterte at  Bise Presidente Leni Robredo na matagal na ding hindi nagkakasama sa iisang event.

Lalo pang hinigpitan ang seguridad na isinasagawa sa loob at labas ng Philippine Military Academy (PMA) na matatagpuan sa Fort Del Pilar, Loakan Road, Baguio.

Ito ay para pa rin sa pinaka-inaabangang pagtatapos ng mga kadeteng bumubuo sa  PMA MABALASIK (Mandirigma ng Bayan, Iaalay ang Sarili, Lakas at Tapang, Para sa Kapayapaan) Class of 2019.

Ayon sa PMA, kahapon ay nakarating na dito sa lunsod ng Baguio si Pangulong Rodrigo Duterte na magsisilbing guest of honor and speaker sa graduation ceremony.

Dadalo rin sa aktibidad si Vice President Leni Robredo gayundin si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Benjamin Madrigal Jr., mga commanders ng major services ti AFP, si Secretary of National Defense Delfin Lorenzana at iba pa.

Mula pa noong nakaraang Linggo ay hinigpitan na ang seguridad sa akademya para sa kaligtasan ng mga kadete at ang mga kamag-anak nilang dadalo sa graduation rites.

Ngayong araw ay mas lalo pang hinigpitan ang inspeksyon sa mga papasok sa akademya bago magsimula ang aktibidad sa dakong alas nuebe ng umaga.

Aabot sa 261 ang magtatapos na kadete kung saan 164 sa mga ito ang papasok sa Philippine Army, 63 sa Philippine Air Force at 66 sa Philippine Navy.

Una nang naihayag na 263 na kadete ang magtatapos pero nagkaroon sila ng violation kayat nakumpirma ito bago ang graduation ceremony.

Ayon kay Major Reynan Afan, spokesperson ng PMA, sinabi ng Academic Board na hindi sila magtatapos at pwede silang maantala ng isang taon sa akademya.

Maaalalang pinangunahan ni Cadette 1CL Dionne Mae Apolog Umalla mula Allilem, Ilocos Sur ang PMA Class of 2019 kung saan siya ang panglimang babae na naging topnotcher sa premier military school ng Asya.