--Ads--

Nagpalabas na ang Senate impeachment court ng subpoena para sa tax, bank, at Anti-Money Laundering Council (AMLC) records ni Vice President Sara Duterte.

Kinumpirma ni Senate Sergeant-at-Arms Alfred Corpus na naipadala na ang mga dokumento, matapos hilingin ng House prosecutors ang records ni Duterte at ng kanyang asawa upang suportahan ang alegasyon ng umano’y unexplained wealth sa impeachment complaint.

Samantala, ipinagtanggol ng House prosecution panel si NBI Director Melvin Matibag laban sa paratang ng depensa na may bias ito sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y assassination threats ni Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Rep. Zia Alonto Adiong, isang “low blow” ang pagbanggit sa political activities ng asawa ni Matibag, dahil hindi umano ito kaugnay sa isinasagawang imbestigasyon ng NBI.

Iginiit ni Adiong na ang impeachment trial ay hindi batay sa popularity ratings, kundi sa kung nagkaroon umano ng betrayal of public trust ang Bise Presidente.

Nagpatuloy naman ang pagkuwestyon ng depensa sa ebidensya ng NBI, kabilang ang affidavit ni dating Davao Death Squad member Arturo Lascañas, na sinabi ng korte na bahagi lamang ng intelligence sources at hindi awtomatikong patunay sa nilalaman nito.

Ipagpapatuloy ang cross-examination kay Matibag sa susunod na pagdinig ng Senate impeachment court.