Bontoc, Mountain Province — Isang insidente ng pagguho ng lupa ang naganap kahapon, Oktubre 27, 2024, na nagresulta sa pagkamatay ng isang residente sa Hummad, Fangkag, Barangay Caneo.
Ayon sa post ng Municipality of Bontoc, nakilala ang biktima bilang si Antonio Ngun-ey Mara, 61-anyos.
Papunta umano ang biktima sa kanyang bukirin nang biglang mangyari ang pagguho ng lupa, na nagdulot ng kanyang pagkakahulog sa ilog.
Agad namang tumulong ang mga residente, subalit sa kasamaang palad, hindi na siya naisalba.
Ayon sa isinagawang post-mortem examination, natukoy na ang sanhi ng pagkamatay ay matinding pinsala sa ulo at cranio-cerebral injuries, dulot ng pagbagsak ng biktima mula sa humigit-kumulang 60 hanggang 80 metro pababa ng dalisdis ng bundok.
Ipinahayag nina Bontoc Mayor Jerome “Chagsen” Tudlong, Jr. at Vice Mayor Eusebio Kabluyen ang kanilang taos-pusong pakikiramay sa pamilya ng yumaong biktima.
Tiniyak ni Mayor Tudlong ang suporta ng lokal na pamahalaan sa pamilya ng biktima at inulit ang kanilang pangako na palakasin ang mga hakbang para sa kaligtasan sa mga lugar na madaling makaranas ng pagguho ng lupa, upang maiwasan ang mga ganitong insidente sa hinaharap.