Nasawi ang isang senior citizen habang pito ang sugatan matapos matabunan ng gumuhong lupa at bato ang kanilang sasakyan sa Begis, Poblacion, Tuba, Benguet kahapon.
Ang biktima ay isang 74-anyos na lalaki mula Tarlac na naipit sa minamaneho niyang sasakyan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wilhelm Abance ng Tuba Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), apat na sasakyan ang natabunan kabilang ang isang pickup truck, dalawang van, at isang tanker truck.
Dahil dito, pito ang sugatan—kabilang ang apat na babae at isang lalaki na pawang mga senior citizen mula Pasig City na nagtamo ng pasa sa katawan. Sugatan din ang isang 36-anyos na babae mula Baguio City, habang nagtamo ng dislokasyon sa balikat ang isang 40-anyos na truck driver.
Maliban sa mga ito, aabot sa 63 residente ang naapektuhan ng pagguho sa naturang lugar.
Dahil sa patuloy na landslide na dulot ng Super Typhoon Nando, nananatiling one lane passable ang Marcos Highway, habang nananatiling sarado sa trapiko ang Kennon Road dahil sa delikadong kondisyon. Dahil dito, muling nanawagan ang Tuba MDRRMO sa mga biyahero na magdoble ingat kapag dadaan sa Marcos Highway at Kennon Road.
Samantala, muling binaha ang ilang ektarya ng strawberry farms sa La Trinidad na nagdulot ng pagkasira ng mga pananim.
Sa Mountain Province naman, itinaas sa red level ang tubig sa Chico River sa bayan ng Bontoc.
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Social Welfare and Development–Cordillera, apektado ng pananalasa ng bagyong Nando ang 44 na barangay sa mga lalawigan ng Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, at Mountain Province.
Nasa 470 pamilya o katumbas ng 1,356 indibidwal ang nanunuluyan sa mga evacuation centers, habang 192 pamilya o 603 indibidwal naman ang pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak.
Dahil dito, muling pinayuhan ng ahensya ang mga residente, lalo na ang nakatira sa landslide-prone areas, na manatiling mapagmatyag at sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan upang makaiwas sa sakuna. | Bombo News Team