BAGUIO CITY- Balik normal ang sitwasyon ng mga Pilipinong manggagawa sa Las Ramblas, Barcelona, Spain pagkatapos ang nangyaring terror attack doon na kumitil sa buhay ng 14 katao at pagkasugat ng higit sa 100 makaraang sagasaan ng isang puting van.
Ayon kay Jun Bermudez, Bombo Corresondent sa Barcelona, Spain, balik normal na lahat ang kanilang mga gawain doon maliban na lamang sa mga kainang ipinasara.
Aniya, malaki man o maliit ang mga restaurant ay ipinasara lahat.
Dagdag pa niya, dalawang kanto lamang sa kanilang tinutuluyan ang layo ng pinangyarihan ng terror attack kung kayat nang mangyari ito ay nagkagulo silang lahat.
Maliban dito ay hindi pa nila nakikilala ang mag-amang Pilipino na kasama sa nasabing pag-atake dahil istrikto umano ang mga otoridad sa pagbibigay ng mga pangalan kung kaya’t ang mga miyembro lamang ng pamilya ang nakakakilala sa mga ito.
Samantala, idineklara naman ng mga Catalan officials ang tatlong araw na pagluluksa doon para sa mga biktima.
Maalalang una nang nahuli ang tatlong suspek habang pinaghahanap pa ang suspek na nagmaneho sa van habang iniimbestigahan pa ngayon ng mga otoridad kung magkakaugnay at iisa lamang ang may pakana sa magkakahiwalay na terrorist attack sa Spain.




