Muling ipinakita ng mga archer mula sa Cordillera ang kanilang likas na husay sa kakatapos lamang na archery tournament ngayong araw na ginanap sa Melvin Jones, kung saan namayagpag ang Baguio City matapos mag-uwi ng maraming medalya sa iba’t ibang kategorya.
Sa Female Individual Category, nangibabaw si Emy Angela Peredo ng Baguio City, na nagkamit ng gintong medalya.
Nasungkit naman ni Jodeenel Shanlina Publico ng Kalinga ang pilak na medalya, habang si Jamina Mendoza ng Baguio City ang nag-uwi ng tansong medalya.
Sa Male Individual Category, hindi rin nagpahuli ang mga archer ng siudad, matapos masungkit ni Chass Mhaiven Colas ang gintong medalya.
Nakuha naman ni Grant Atonen, kapwa mula sa Baguio, ang pilak, habang si Timm Camiling ng Benguet ang nagtamo ng tansong medalya.
Samantala, sa Mix Team Category, namayagpag ang Benguet na nakakuha ng gintong medalya, habang nasungkit ng Baguio City ang pilak at ng Ifugao ang tansong medalya.
Sa Male Team Category, nanguna ang Mt. Province, na nag-uwi ng gintong medalya, sumunod ang Baguio, na nakakuha ng pilak, habang pumangatlo ang Benguet na may tansong medalya.
Sa Female Team Category, nagpakitang-gilas ang Baguio City na siyang nagkampeon sa kategoryang ito.
Nakamit naman ng Kalinga ang pilak, habang ang Benguet ay nagtapos sa ikatlong puwesto.
Sa pagtatapos ng kompetisyon, pinarangalan ang mga nagwaging atleta para sa kanilang ipinakitang husay at dedikasyon sa sport.
Kinilala rin ang kanilang pagsisikap, na nagsisilbing inspirasyon sa iba pang mga archers sa rehiyon upang patuloy na paghusayin ang kanilang kakayahan.
Patuloy na ipinapakita ng mga archer mula sa Cordillera ang kanilang galing at determinasyon sa larangang ito, patunay na ang rehiyong Cordillera ay isa sa mga pangunahing sentro ng archery sa bansa.//Bombo Local News Correspondent Rizza Gwen Doñamal