Ipinaliwanag ni Director Glenn Dumlao ng Department of Transportation Cordillera na ang anumang panukalang “special fare rate” para sa pampublikong transportasyon ay kinakailangang dumaan muna sa konsultasyon sa antas ng barangay bago ito maaprubahan.
Ayon kay Dumlao, hindi awtomatikong naipatutupad ang special fare scheme. Kailangan aniya itong sumunod sa tinatawag na “bottom-up process” na pinangungunahan ng mga local government unit sa mga barangay.
Sa ilalim ng prosesong ito, obligado ang mga barangay na magsagawa ng konsultasyon sa mga residente at mga stakeholder sa sektor ng transportasyon. Matapos nito, kinakailangan nilang magsumite ng pormal na rekomendasyon bago kumilos ang DOTr o ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa naturang kahilingan.
Dagdag pa ng opisyal, layunin ng special fare rate na mabalanse ang pangangailangan ng mga commuter at transport worker, lalo na sa mga lugar na nahaharap sa iba’t ibang hamon sa operasyon.
Ipinaliwanag din ni Dumlao na ang magiging batayan sa pagkuwenta ng pamasahe ay kinabibilangan ng konsumo ng gasolina para sa one-way na biyahe sa mga rutang may mahirap na terrain, sapat na kompensasyon sa mga tsuper upang matiyak ang maayos na kita, at ang mga pangangailangan ng mga operator sa itinakdang ruta.





