BAGUIO CITY – Bumaba ang suplay ng highland vegetables sa La Trinidad Trading post sa La Trinidad, Benguet kasabay ng pagbaba ng presyo at demand ito ngayong mahal na araw.
Ito ay dahil sa nararanasang dry spell na dulot pa rin ng El Nino phenomenon sa nasabing lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Agrex Sanio, magsasaka at disposer ng gulay, sinabi niya na nahihirapan ang mga magsasaka sa kanilang mga pananim dahil nalalanta ang mga ito dahil sa kakulangan ng tubig at hindi pa umuulan hanggang ngayon.
Aniya, isa sa mga hamon na nararanasan nila sa ngayon ay ang pagbaba ng demand ng mga gulay dahil kukunti na lamang ang mga kustomer na bumibili sa mga trading areas.
Ipinaliwanag ni Sanio na itataas sana nila ang presyo ng mga gulay dahil konti lamang ang suplay ngunit hindi nila ito magawa dahil konti rin ang bumibili.
Samantala, sinabi ni Sanio na umaasa sila na mag aakyat na buyer sa La Trinidad Trading post ngayong Semana Santa para tumaas naman ang presyo ng mga gulay.
Batay sa monitoring ng Benguet Agri-Pinoy and Trading Center sa La Trinidad, Benguet, tanging ang patatas lamang ang may mataas na presyo partikular ang SUPER XL na umaabot sa 70 hanggang 75 kada kilo habang ang repolyo naman ang may pinakamababang presyo na umaabot sa 6 pesos hanggang 14 pesos depende sa kalidad nito.