AMBUKLAO, Bokod, Benguet – Nananatiling normal ang suplay ng tilapia sa Ambuklao Dam, Bokod, Benguet sa kabila ng nararanasang El Niño Phenomenon.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Marx Perfecto, Officer-In-Charge ng Fishery Production and Supports Service Division ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) -Cordillera, sapat pa rin ang naaani ng mga mangingisda para sa mga retailers at whole sellers sa merkado na umaabot sa 800 hanggang 1,600 kilograms.
Ayon kay Perfecto, hindi pa gaano nararamdaman ang matinding epekto ng El Niño Phenomenon sa Ambuklao, Bokod, Benguet kaya napapanatili ang magandang produksyon ng tilapia sa Ambuklao Dam.
Sa kabila nito, inamin ng nasabing opisyal na bumaba ang lebel ng tubig sa Ambuklao dam ngunit nananatili ito sa normal level.
Aniya, wala pa silang naitala na kaso ng fish kill o pagkamatay ng mga tilapia sa kabila ng nararanasang mainit na panahon.
Batay sa pinakahuling listahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources -Cordillera, nasa 812.79 ang kabuuang ektarya ng mga fish fond sa rehiyon at aabot naman sa 19,613 ang bilang ng mga mangingisda.
Ayon kay Perfecto, bagamat hindi masyado naapektuhan ang mga mangingisda sa probinsiya ng Benguet, labis naman na naapektuhan ang ibang probinsiya sa rehiyon Cordillera lalong-lalo na sa Mt Province at Apayao ang dahil sa kakulangan ng tubig.
Gayunpaman, inihayag ng nasabing opisyal na nakahanda ang kanilang opisina na magbigay ng tulong at suporta sa mga mangingisda sa rehiyon sakaling lumala pa ang epekto ng El Nino Phenomenon.