ABRA – Inaayos na ng Abra Police Provincial Office ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga sangkot sa kaguluhang nauwi sa pamamaril at pagkamatay ng isang punong barangay at isang kandidato sa pagka-konsehal sa bayan ng Lagangilang, Abra, nitong Lunes.
Batay sa imbestigasyon, nag-ugat ang insidente habang nangangampanya si Manzano Bersalona Agdalpen, kandidato sa pagka-konsehal sa Barangay Nagtupacan.
Nakita nila sa lugar si Barangay Kagawad Rommel Apolinar na umano’y tagasuporta ng kalabang partido.
Sa hindi pa malinaw na dahilan, sinuntok ni Agdalpen si Apolinar.
Nagpunta si Apolinar kay Punong Barangay Louie Salvador Claro upang i-report ang insidente.
Sumama si Claro pabalik sa pinangyarihan at muling sinuntok ni Agdalpen si Apolinar.
Nauwi ito sa gulo at tinangkang barilin ni Agdalpen si Apolinar, subalit hindi agad pumutok ang baril.
Nang itinutok ni Agdalpen ang baril kay Claro, saka ito pumutok at tinamaan ang punong barangay.
Sinundan pa umano ito ng pamamaril ng driver ni Agdalpen.
Hindi pa nakikilalang salarin naman ang bumaril kay Agdalpen. Pareho silang isinugod sa ospital, ngunit idineklara silang dead on arrival.
Nahuli naman ng pulisya ang driver ni Agdalpen matapos itong sumama sa ospital.
Ayon kay Police Lieutenent Colonel Daniel Pel-ey, umabot na sa 21 shooting incidents ang naitala sa Abra mula Enero 12 hanggang ngayon.
Sa nasabing bilang, isa pa lamang ang kumpirmadong election-related, habang patuloy pa ang imbestigasyon sa iba.