--Ads--

Patuloy ngayong iniimbestigahan ng mga otoridad ang pagkasunog ng pamilihan ng paputok sa public market ng Bulanao, Tabuk City, Kalinga, limang minuto bago sumapit ang bagong taon kagabi na kinasugat ng tatlong menor-de-edad.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Ruff Manganip, spokesperson ng Kalinga Police Provincial Office, kabilang sa mga sugtan ang limang taong gulang na babae, sampung taong gulang na babae, at labing-apat na taong gulang na lalaki, na tubo mula Mindanao.

Aniya, umaabot sa dalawampung (20) stalls ang tuluyang nasunog, kabilang ang katabing bagsakan ng saging sa Putok 4 ng nsabing bayan.

Dagdag nito na sa inisyal na imbestigasyon ng Kalinga Police Provincial Office, kwitis ang pinagmulan ng sunog. Nagmula umano ito sa kabilang kalsada matapos isang indibidual ang nagpapaputok na tumama sa mga stalls ng paputok, at mabilis na kumalat ang apoy.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Philippine National Police–Bulanao at ng Bureau of Fire Protection upang apulahin ang sunog.

Dagdag pa ng opisyal, kumpleto ang mga permit ng mga nagtitinda sa nasabing lugar at itinuturing na aksidente ang nangyaring insidente.

Samantala, hinihiling ni Manganip sa publiko na huwag nang gamitin ang mga natitira pa nilang mga paputok at mas mabuting basain na lamang ang mga ito upang makaiwas sa anumang insidente.