--Ads--

Nagpahayag ng pagkadismaya ang mga taxi driver matapos hindi maisama sa pamamahagi ng ayuda na ibinigay sa jeepney drivers.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay Baguio City Councilor Edison Bilog, layunin umano ng ayuda na hikayatin ang mga jeepney drivers na mag-extend sa kanilang biyahe ng hanggang alas-diyes ng gabi upang maiwasan ang mahabang pila ng mga pasahero.

Itinuturing din ang ayuda bilang karagdagang suporta sa mga jeepney driver upang masigurong may masasakyan ang mga kababayan pauwi sa kanilang lugar.

At dahil maraming jeepney driver umano ang ayaw bumyahe sa gabi dahil wala nang pasahero pagbalik ng town, ito ang nakikitang paraan bilang panlaban o kapalit sa gastusin sa krudo.

“Kung ililimit lang natin sa mga jeepney drivers, talagang aangal po ang mga taxi driver. Dapat mabigyan ang lahat para everybody happy naman.”

BAGUIO CITY COUNCILOR EDISON BILOG

Kaugnay niyan,ipinahayag ng pamahalaan na dapat pati ang ibang drivers tulad ng mga taxi driver na umiikot sa siyudad at nagbibigay serbisyo sa mga kababayan ay mabigyan.

Kung kaya’t kinakailangan na lahat ay makinabang sa mga proyekto, programa, at benepisyong ibinibigay ng city government, dahil hindi lamang ang mga jeepney driver ang apektado ng pagtaas ng presyo ng gasolina, bagkus apektado ang lahat ng driver, mapapribado man o pampubliko.

“Aaksyunan namin itong hinaing ng mga taxi drivers. Kahit hindi man matapatan ang 5000 na ibinigay sa mga jeepney driver, basta’t mabigyan at makinabang ang lahat ng dapat makinabang.”

BAGUIO CITY COUNCILOR EDISON BILOG

Patuloy na ginagawan ng paraan ng lokal na pamahalaan ang posibleng pagbibigay ng tulong sa iba pang sektor ng transportasyon, kabilang ang mga taxi driver at lahat ng miyembro ng transport group.//BLNC AltheaLopez