--Ads--

Nagtipon-tipon ang libo-libong miyembro ng Muslim Community dito sa lungsod ng Baguio sa selebrasyon ng Eid’l Fitr.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Imam Samsodin Monib, presidente ti Baguio – Benguet Muslim Association, nakilahok sa kanilang aktibidad ang tinatayang aabot sa labing tatlo hanggang labing apat na libo na populasyon ng muslim community sa City of Pines.

Isinagawa ang kanilang pagtitipon kaninang umaga sa Melvin Jones Grandstand.

Ayon kay Monib, ang nasabing selebrasyon ay tanda ng pagwawakas ng kanilang pag-aayuno kung saan, maari na aniya ang mga ito na gawin ang mga bagay na makapagpapasaya sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya.

Kasabay niyan, ipinaalala ni Monib na mahalagang isabuhay ng mga kapwa nito muslim ang mga itinuturo sa kanilang relihion at hindi lamang tuwing Ramadan isinasagawa ang mga ito.

Sa kabilang dako, ibinahagi ni Monib na patuloy pa rin ang paghahandog ng mga ito ng pagkain sa mga kapus-palad nilang mga kapatid upang aniya ay makasabay ang mga ito sa pagdiriwang ng Eid’l Fitr.

Nasa tinatayang sampung pamilya naman ng mga muslim na naninirahan sa Baguio City ang nagtungo sa Meca para sa obserbasyon ng nasabing pagdiriwang.