--Ads--

Hindi pa rin umano makapaniwala hanggang ngayon si Dr. Erwin Ken A. Parchaso na siya ang Top 1 sa March 2026 Physicians Licensure Examination.

Sa panayam ng media, sinabi niyang “speechless” pa rin siya at hindi pa rin lubos maisip na siya ang nasa “name withheld” na unang inanunsyo ng Professional Regulation Commission.

Ayon sa kanya, ang tanging hiling lamang niya ay makapasa sa exam, ngunit hindi niya inaasahan na siya ang magiging Top 1. Dagdag pa niya, bonus na lamang umano ang pag-top sa board exam.

Ibinahagi rin niya na noong lumabas ang resulta, nag-pop up ang mga congratulatory messages para sa kanyang mga kaibigan at batchmates sa review center, ngunit wala ang kanyang pangalan. Dahil dito, nakaramdam siya ng matinding lungkot at inakala niyang hindi siya pumasa. Hindi rin niya naisip na siya ang nasa “name withheld” at wala rin siyang kaalam-alam tungkol dito. Inisip pa umano ni Parchaso na kukuha siyang muli ng exam sa Oktubre.

Inamin niya na “no joke” ang exam dahil napakaraming topics ang kailangang pag-aralan at isaulo, gaya ng anatomy, biochemistry, at pharmacology.

Dagdag pa niya, ang mga sleepless nights niya sa pag-aaral ay lalo pang naging hamon dahil kailangan din niyang alagaan at patulugin ang kanilang baby.

Samantala, hindi umano mailarawan ni Joselito Retuya Parchaso, ama ni Dr. Erwin Ken A. Parchaso, ang kanyang naramdaman sa pagiging Top 1 ng kanyang anak sa Physicians Licensure Examination.

Ayon kay Joselito, nagyakapan sila at napaiyak nang mabalitaan na ang “name withheld” ay ang kanilang anak.

Idinagdag pa niya na noong una ay inakala nilang isa itong kalokohan o scam, hanggang sa kinumpirma ito ng unibersidad na pinagtapusan ng kanyang anak.

Ibinahagi rin ni Parchaso na bumalik sila sa Pilipinas mula sa Amerika upang ipagdiwang ang binyag at kaarawan ng kanilang apo ni Erwin sa susunod na buwan. Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, nadagdagan pa ang kanilang selebrasyon dahil sa pagiging Top 1 ng kanilang pangalawang anak na si Dr. Erwin.