--Ads--

Nilinlang umano ang mga Pilipino sa ipinasang Oil Deregulation Law dahil ipinangako noon na ibababa ang presyo ng produktong petrolyo kapag naisabatas ito, ngunit kabaliktaran umano ang nangyari. Ayon pa sa kanya, hindi lamang langis ang naging problema kundi maging ang pamasahe sa barko at eroplano ay naapektuhan din ng deregulasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Orlando Marquez Sr., National President ng Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas, kinuwestiyon niya ang nasabing batas. Sinabi niyang naghain sila ng petisyon kay Senador Tito Sotto upang maibalik ang Oil Price Stabilization Fund (OPSF).

Ayon kay Marquez, magiging mas matatag umano ang ekonomiya kung magkakaroon ng nakapirming presyo ng langis sa loob ng isang taon na sasagutin ng OPSF upang mapanatiling stable ang presyo ng fuel. Ipinaliwanag niyang kung maibabalik ang OPSF, maaaring magkaroon ng kontrata ang gobyerno para sa nakatakdang presyo ng langis na magiging epektibo sa loob ng isa hanggang tatlong taon.

Ibinahagi rin niya na nakasandig umano ang mga oil companies na nagnenegosyo sa Pilipinas sa Oil Deregulation Law kaya malaya silang nagtataas ng presyo habang walang nagagawa ang gobyerno.

Ayon pa kay Marquez, nagtataka siya kung bakit patuloy ang pagtaas ng presyo gayong una nang sinabi ng Department of Energy (DOE) na kontrolado umano ng gobyerno ang mga oil refilling station.

Kinuwestiyon din niya kung bakit si DOE Secretary Sharon Garin pa umano ang nagpapaliwanag sa taas-presyo ng langis at tila nagsisilbing tagapagsalita ng mga oil companies. Aniya, dapat umano ang mismong mga kumpanya ng langis ang magpaliwanag sa publiko.

Dagdag pa niya, malaki umano ang kinikita ng mga oil companies sa ipinatupad na dagdag-presyo dahil mayroon silang stockpile na sapat hanggang katapusan ng Abril at higit pa, kaya kaya umano nilang saluhin ang pagtaas ng presyo.

Giit ni Marquez, kung marerebisa man ang Oil Deregulation Law ay sana’y maibalik din ang Oil Price Stabilization Fund.

Nanawagan din siya sa buong bansa na sama-samang ipahayag ang pagkadismaya sa batas dahil sa halip na bumaba ang presyo ng langis gaya ng ipinangako noon, lalo pa umano itong naging pabigat sa mamamayan.