--Ads--

Idineklara ng Sangguniang Bayan ng Tuba ang buong bayan sa ilalim ng State of Calamity matapos ang sunod-sunod na pananalasa ng mga bagyong Crising, Dante, at Emong, pati na rin ang pinalakas na habagat.

Sa isang espesyal na sesyon noong Hulyo 31, 2025, pinangunahan ni Bise-Alkalde Maria L. Carantes ang pag-apruba sa rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council o MDRRMC.

Batay sa ulat ng MDRRMC emergency meeting, malawak ang pinsalang iniwan ng mga bagyo at habagat sa buong bayan. Ayon sa Municipal Social Welfare and Development Office, umabot sa 397 katao o 105 pamilya mula sa 13 barangay ng Tuba ang apektado.

May naitalang 32 bahay na bahagyang nasira at 5 bahay na tuluyang nawasak. Tinatayang nasa ₱22.8 milyon naman ang kabuuang pinsala sa agrikultura at kabuhayan, ayon sa Municipal Agriculture Office. Kabilang dito ang mga pananim, estruktura ng sakahan, irigasyon, at mga alagang hayop.

Samantala, iniulat ng Municipal Engineering Office ang pagkasira ng ilang imprastraktura sa bayan. Patuloy pa rin ang kanilang pagsusuri sa lawak ng pinsala.

Labis ding naapektuhan ang Kennon Road, partikular ang bahagi ng tunnel sa Camp 6, na nagdulot ng pagkaantala sa pagbiyahe papunta at mula sa mga barangay gaya ng Ansagan, Camp One, Tabaan Sur, Camp 3, Twin Peaks, at Camp 4. Pansamantalang dumaraan ngayon ang mga residente sa Marcos Highway bilang alternatibong ruta.

Bilang tugon, ipinasa ng Sangguniang Bayan ang Resolution No. 330, series of 2025, alinsunod sa Republic Act No. 10121 at sa Local Government Code, upang agad na makapagsagawa ng mga hakbang na kinakailangan para sa kaligtasan at rehabilitasyon ng mga apektadong lugar.