--Ads--

Malaki ang pagkadismaya ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong dahil malaki ang naging epekto ng mga anomalya sa nasabing proyekto sa mga lokal ng rehion Cordillera, partikular na ang Baguio City.


Ito ay iniuugnay sa isyu tungkol sa flood control projects ng bansa.


Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mayor Magalong, sinabi niyang nararamdaman aniya ng lungsod ang epekto nito sa turismo dahil mababa ang bilang ng guest arrival sa mga accomodation facilities sa siudad.


Aniya, 50–80% ang ibinaba ng tourism rate at collection ng Baguio dahil sa mga pagguho ng lupa sa mga entrada o mga pangunahing kalsada na ginagamit para makapunta sa central business district ng lungsod.


Sinabi pa ng alkalde na kakaunti na ang kinikita ng mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs sa lungsod.


Matatandaan na ang Baguio City ay isa sa mga naapektuhan ng maraming landslide partikular na sa Marcos Highway at Kennon Road sa mga nagdaang bagyo at habagat.


Maipapaalalang sa pinakahuling datos ng Department of Tourism-Cordillera, aabot ng 1.56 million ang tourist arrival sa siudad ng Baguio noon nakaraang taon, mas mataas kaysa sa 1.31 million noong 2023.


Ang Baguio ay umabot sa higit sa 75% ng kabuuang 1.98 milyong turistang dumating na naitala sa rehiyon ng Cordillera noong 2024
Pumangalawa ang Mountain Province na may 151,183 bisita, na sinundan ng Kalinga na may 132,771. Nagtala ang Benguet ng 67,428 arrivals, ang Ifugao ay may 481, Apayao ay nagtala ng 21,611, at ang Abra ay nakarehistro ng 2,225.


Batay sa datos ng DOT, ang mga dayuhang turista ay gumagastos ng average na ₱7,000 kada araw, habang ang mga domestic tourist naman ay gumagastos ng humigit-kumulang ₱4,000 araw-araw.


Sa ngayon, gumagawa na ng ibat-ibang hakbang ang Baguio City sa pangunguna ni Mayor Magalong at ang Tourism Council ng mga estratehikong plano para mapalakas ang mga pagsisikap sa turismo.