--Ads--

Isang bagong hakbang para sa maagang edukasyon ng mga batang Pilipino ang inilunsad sa Baguio City matapos pormal na buksan ng McDonald’s Philippines at Ronald McDonald House Charities (RMHC) ang kauna-unahang Ronald McDonald Bahay Bulilit sa lungsod at sa buong Cordillera Administrative Region (CAR).

Matatagpuan ang bagong pasilidad sa Purok 1, Barangay Asin, kung saan ito ay magsisilbing learning center para sa mga batang pre-school age. Dumalo sa turnover ceremony ang mga opisyal ng McDonald’s Philippines, kinatawan mula sa lokal na pamahalaan, at mga opisyal ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

Ayon kay Addie Hernandez, Assistant Vice President for Corporate Relations and Impact ng McDonald’s at Vice President ng RMHC Board, mahalaga ang programang ito upang mapalawak ang access ng mga bata sa maagang edukasyon.

“This is the first Bahay Bulilit in Baguio and in the entire Cordillera Region. This year, we are targeting 10 new learning centers across the country as part of our goal to reach 100 by 2028,” ani Hernandez.

Itinatag ang Bahay Bulilit Program noong 1996 upang magbigay ng ligtas at maayos na learning center para sa mga batang edad 3 hanggang 5 taong gulang. Sa pamamagitan ng tripartite partnership, ang LGU ang nagbibigay ng lupa, ang McDonald’s at RMHC ang nagtatayo ng pasilidad, at ang CSWDO ang nangangasiwa sa pang-araw-araw na operasyon nito.

Ang bagong Bahay Bulilit sa Baguio City ay itinayo sa 102-square meter na lupa na ibinigay ng LGU at may tinatayang halagang ₱3.5 milyon. Natapos ito sa loob lamang ng 31 araw at may kakayahang tumanggap ng 90 hanggang 100 mag-aaral kada taon.

Tuwing Lunes hanggang Biyernes, magsisilbi itong learning center sa pangangasiwa ng daycare workers mula sa CSWDO, katuwang ang mga volunteers mula sa LGU at komunidad.

Ibinahagi ni Hernandez ang isang pag-aaral kung saan may mga mag-aaral na nakatapos ng Grade 1 nang hindi pa natutong magbasa.

“They are pre-K. We did a study on the educational skills of Grade 1 students. Two of them finished Grade 1 without learning how to read. That’s why we started this program—because if children don’t build strong foundational skills early on, they struggle later on and often drop out,” paliwanag niya.

Dagdag pa niya, pinipili ng RMHC ang mga lugar na pagtatayuan ng Bahay Bulilit batay sa pangangailangan ng komunidad.

“We work closely with CSWD and LGUs to identify areas with gaps in ECCD facilities. Then, our real estate and development teams conduct site inspections before construction begins.”

Sa kasalukuyan, mayroon nang 47 Bahay Bulilit sa buong Pilipinas, at target ng RMHC na maabot ang 100 centers pagsapit ng 2028.

Sa tanong kung may plano ang RMHC na maglaan ng hiwalay na pasilidad para sa mga batang may espesyal na pangangailangan, sinabi ni Hernandez na pinag-aaralan na nila ito.

“I love that idea. We’re exploring how to incorporate mental health, not just as a subject, but also to support children with special needs and mental health conditions. It’s part of the innovation we envision for Bahay Bulilit,” ani Hernandez.

Nilinaw rin niya na hindi kapalit ng daycare centers ng LGU ang Bahay Bulilit, kundi isang karagdagang suporta upang matugunan ang kakulangan ng pasilidad para sa maagang edukasyon.

“Every Bahay Bulilit is maintained by our team for a minimum of 10 years under our Memorandum of Agreement. After that, we assess if renovations or improvements are needed,” dagdag niya.

Ang pagbubukas ng unang Bahay Bulilit sa Baguio City ay isang konkretong patunay na kapag nagsanib-pwersa ang pribadong sektor at pamahalaan, mas maraming bata ang mabibigyan ng pantay-pantay na oportunidad sa edukasyon.

Sa pagtatapos ng turnover ceremony, dama ang kasiyahan at pasasalamat ng mga magulang at mga batang benepisyaryo, na ngayon ay may mas maliwanag na kinabukasan sa tulong ng Bahay Bulilit.//Bombo Local News Correspondent Jonel Vasadre & Rizza Gwen Doñamal