Nagulat umano ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa nag-viral na video kung saan makikitang dinala ang isang bedridden na ama sa pay-out center sa Cabarroguis, Quirino gamit ang tinatawag na “patuki.”
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Geraldin R. Pugong, Registered Social Worker ng Cabarroguis Municipal Social Welfare and Development Office, sinabi nito na wala silang ibinigay na instruksyon sa pamilya na dalhin ang matanda sa pay-out center.
Ayon kay Pugong, may sinusunod silang guidelines na kapag ang isang benepisyaryo ay may kapansanan o hindi makalakad, door-to-door na inihahatid ang financial aid o social pension.
Aniya, kahapon ay nalaman na lamang ng kanilang opisina na nasa biyahe na ang matanda papunta sa pay-out center. Iginiit niya na wala umanong utos mula sa kanilang opisina na dalhin ito roon dahil nakaplano sanang puntahan na lamang ito sa kanilang bahay.
Dagdag pa niya, sa mga bahay sa mga bulubunduking lugar na kanilang pinuntahan kahapon, nagsagawa sila ng house-to-house at door-to-door distribution ng ayuda para sa mga bedridden na benepisyaryo ng social pension.
Ipinaliwanag ni Pugong na ang pangunahing tungkulin ng local government unit (LGU) ay mag-assist, mag-validate, at mag-disseminate ng impormasyon sa komunidad sa pamamagitan ng mga barangay hinggil sa iskedyul ng payout.
Nang tanungin kung ano ang kanilang assessment sa nangyari, sinabi niya na naabisuhan na umano ang pamilya na ihahatid na lamang ang kanilang ayuda sa bahay. Sinabihan din umano ang mga ito na maghintay muna, dahil tatapusin lamang ang payout para sa humigit-kumulang 300 benepisyaryo, at pagkatapos nito ay pupuntahan na nila ang mga lugar upang magsagawa ng door-to-door distribution.
Iginiit ni Pugong na maaga nilang ipinaabot ang abiso sa mga barangay at sa mga presidente ng senior citizens na huwag nang ipilit na pumunta sa payout ang mga bedridden, dahil sila na mismo ang pupunta sa bahay upang ibigay ang social pension.
Ayon pa sa kanya, bago ang payout ay inaabisuhan at ini-instruct ang lahat ng benepisyaryo, at lahat ng bedridden ay pinupuntahan ng DSWD, LGU, at barangay.
“Idandanon mi apo ti serbisyo mismo iti kliyente,” pahayag ni Pugong.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi rin ni Pugong na magkakaroon sila ng pulong ngayong araw upang alamin kung saan nagmula ang impormasyon dahil wala umano silang ibinigay na instruksyon na dalhin sa payout center ang matanda.
Aniya, magsasagawa sila ng imbestigasyon upang matukoy kung ano ang tunay na nangyari at kung paano nagkaroon ng miscommunication.
Samantala, tiniyak ni Pugong na walang guidelines na maaaring magresulta sa pagkatanggal sa listahan ng nasabing pensioner, kasunod ng pangamba ng ilan na posibleng maalis ito sa listahan ng mga tumatanggap ng social pension.
Ipinaliwanag niya na hindi ang LGU ang nagde-delist o nagdedesisyon kung sino ang matatanggal sa listahan. Ayon sa kanya, ang Department of Social Welfare and Development ang may kapangyarihan sa validation, replacement, at pag-apruba ng mga benepisyaryo.
Batay sa rekord ng DSWD sa Cabarroguis, matagal nang tumatanggap ng social pension ang naturang matanda.





