BAGUIO CITY — Matapos ang halos dalawang dekada ng pagtatago, isang lalaking may kasong murder ang naaresto sa Baguio City, 22 taon matapos ang krimeng kinasangkutan nito sa lalawigan ng Sorsogon.
Ang suspek, isang 44-anyos na manggagawa at tubong Sorsogon, ay nadakip sa Honeymoon Road, Baguio City sa pamamagitan ng isang joint police operation na isinagawa ng City Intelligence Unit ng Baguio City Police Office (BCPO), Police Station 7, City Intelligence Team Baguio – Regional Intelligence Unit 14, Regional Intelligence Division – RSOU PRO5, at Pilar Municipal Police Station sa ilalim ng Sorsogon Police Provincial Office.
Ang pag-aresto ay isinagawa batay sa isang Warrant of Arrest para sa kasong Murder na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 52 ng Sorsogon noong Enero 19, 2003. Ayon sa dokumento, walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.
Ayon sa mga awtoridad, matagal nang pinaghahanap ang suspek mula pa noong 2003. Sa tulong ng masusing intelligence monitoring at malapit na koordinasyon sa pagitan ng mga yunit ng pulisya mula sa iba’t ibang rehiyon, matagumpay siyang natunton at naaresto.
Matapos ang kanyang pagkakaaresto, agad siyang dinala sa City Intelligence Unit para sa dokumentasyon, bago ito ilipat at iharap sa korte sa Sorsogon kung saan isinampa ang kaso.
Pinuri ni Police Colonel Ruel D. Tagel, City Director ng BCPO, ang mga yunit na nagsagawa ng operasyon.