Hindi umano palalampasin ng “Wonder Boy” ng Ifugao na si Carl Jammes Martin ang pagkakataong muling magpakitang-gilas sa ibabaw ng ring. Makakaharap niya ang Thai brawler na si Aran Dipaen sa undercard ng 50th Thrilla in Manila Anniversary ngayong October Baente Nuebe sa Araneta Coliseum.
Sa panayam ng Bombo Radyo Baguio, ibinahagi ni Martin na puspusan ang kanyang paghahanda sa Metro Manila matapos mag-training noong July sa Los Angeles, California kasama mismo ang 8-division world champion na si Manny Pacquiao. Bumalik lamang siya ng Pilipinas para sa isang linggong pahinga bago muling sumabak sa matinding ensayo.
Ayon kay Martin, may adjustments sila sa training para maiwasan ang injury. May kombinasyon ng light sparring, hard sparring at facing drills para masiguro na sariwa ang katawan pagdating ng laban.
Hawak ni Martin ang malinis na record na 26-0 na may 20 knockouts at siya ang kasalukuyang number one contender ng World Boxing Organization o WBO sa 122-pound division na pinamumunuan ng Japanese pound-for-pound king na si Naoya Inoue.
Ngunit hindi rin basta-basta ang kalaban. Papasok sa laban si Aran Dipaen na may record na 21-4 na may 18 knockouts. Pinakamalaking highlight sa kanyang karera ang matapang na paninindigan laban kay Inoue noong 2021, nang hamunin niya ito para sa World Boxing Association o WBA at International Boxing Federation o IBF bantamweight titles.
Samantala, sa main event, aabangan din ng Pinoy fans si Melvin Jerusalem, ang reigning World Boxing Council minimumweight champion ng Pilipinas. Ipaglalaban niya ang kanyang World Boxing Council strawweight world title laban sa South African challenger na si Siyakholwa Kuse.