--Ads--

Patuloy ang isinasagawang manhunt operation ng Gerona Municipal Police Station laban sa suspek na sumaksak at pumatay sa 50-anyos na truck driver sa Barangay Magaspac, Gerona, Tarlac noong Enero 9, 2026.

Una nang kinilala ang biktima na si Wilfred Agmaliw Bejara, residente ng Benguet.

Ang suspek naman na hindi pinangalanan ay residente ng Gerona, Tarlac, at itinuturong huling nakasama at nakainuman ng biktima.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PLTCOL. Ford Sudaypan, Hepe ng Gerona Municipal Police Station, na patuloy na pinaghahanap ang suspek dahil nakalabas umano ito sa Gerona, Tarlac. Ayon sa kanya, hinahanda na rin nila ang kasong robbery with homicide na isasampa laban sa suspek.

Una nang sinabi ni PLTCOL. Sudaypan na natagpuan ang biktima sa loob ng minamanehong truck na wala nang buhay at duguan, at nawawala ang tinatayang P60,000 na pera na hawak nito. Ayon sa awtoridad, pagnanakaw ang lumalabas na motibo sa naturang krimen.

Samantala, muling nagpaalala si PLTCOL. Sudaypan sa publiko, lalo na sa mga bumibiyahe sa malalayong lugar, na magdoble-ingat at, kung maaari, iwasan ang pagdadala ng malaking halaga ng pera.