Baguio City- Naghain si Benguet Rep. Eric Go Yap ng isang resolusyon para sa congressional inquiry o pagsisiyasat ng Kongreso bilang tulong sa pagbuo ng mga batas kaugnay ng mining exploration activities ng Crescent Mining and Development Corporation sa Mankayan, Benguet, kasunod ng nagpapatuloy na mga human barricade sa lugar.
Nakasaad sa House Resolution No. 1451 na inihain noong Setyembre 16 na inaatasan ang mga kaukulang komite ng Kamara na suriin ang bisa, renewal at pagpapatupad ng Mineral Production Sharing Agreement No. 057-96-CAR ng kumpanya.
Layunin ng resolusyon na siyasatin ang planong mining exploration ng Crescent Mining and Development Corporation sa Mankayan at matukoy kung nasusunod ang mga umiiral na batas at legal na proseso.
Tututukan ng imbestigasyon ang pagsunod sa Philippine Mining Act of 1995, Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997, at mga batas at regulasyon para sa pangangalaga ng kalikasan.
Ayon kay Yap, tungkulin ng pamahalaan na pakinggan at lutasin ang mga pangamba ng mga residente at Indigenous Peoples tungkol sa mining exploration, lalo na at mahalaga ang mga kabundukan sa kanilang suplay ng tubig, kabuhayan, kasaysayan at kultura.
Dahil nasa yugto pa lamang ng exploration ang mga aktibidad, sinabi ni Yap na mahalagang maliwanagan at mapagusapan ang mga isyu habang maaga pa, bago magkaroon ng mga desisyong maaaring mahirap nang baguhin sa hinaharap.
Tututukan din sa inquiry ang pagsunod ng Crescent Mining sa mga legal na proseso, kabilang ang konsultasyon sa mga apektadong komunidad, paggalang sa karapatan ng Indigenous Peoples at pagpapatupad ng mga pananggalang sa kapaligiran.
Batay sa Mines and Geosciences Bureau-Cordillera, sakop ng kasunduan ng Crescent Mining ang tinatayang 533.4 ektarya sa Mankayan at may bisa mula Nobyembre 12, 2021 hanggang Nobyembre 12, 2046.
Mula 2025, nagpahayag ng pagtutol ang mga katutubong residente ng Barangays Bulalacao at Guinaoang dahil sa pangambang maapektuhan ang ancestral lands, mga sakahan, watershed at kabuhayan. Iginiit naman ng Crescent Mining na valid ang kanilang kasunduan at natugunan nito ang mga kinakailangang legal na proseso.
Nagkaroon din ng mga human barricade at court proceedings sa lugar, na nagresulta sa preliminary injunction laban sa pagharang sa access sa mga proposed exploration areas.
Samantala, nagpasa ang Sangguniang Bayan ng La Trinidad ng Resolution No. 426-2026 noong Setyembre 8 na sumusuporta sa mga katutubong komunidad ng Mankayan at nananawagan ng paggalang sa kanilang ancestral domain rights, kultura at self-determination.
Ayon kay Yap, maaaring magdulot ang mineral exploration ng investments, trabaho, kita para sa pamahalaan at iba pang oportunidad sa ekonomiya. Gayunman, mahalagang mapakinggan ang mga komunidad na maaaring maapektuhan habang nasa maagang yugto pa lamang ang proyekto.
Binigyang-diin din ni Yap na para sa mga taga-Benguet, ang lupa ay hindi lamang pinagkukunan ng yaman kundi tahanan, kabuhayan, pamana at bahagi ng kanilang pagkakakilanlan. Mahalaga rin ang ugnayan ng Indigenous Peoples sa lupa na naipapasa mula sa mga nakaraang henerasyon patungo sa mga susunod.
Layunin ng House Resolution No. 1451 na alamin kung sapat ang mga mekanismo ng pamahalaan para maprotektahan ang karapatan ng Indigenous Peoples habang isinusulong ang responsableng mineral exploration.
Inaasahang maririnig sa imbestigasyon ang mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources, Mines and Geosciences Bureau, National Commission on Indigenous Peoples, mga lokal na pamahalaan, mga lider ng Indigenous Peoples, mga residente at kinatawan ng Crescent Mining.











