--Ads--

Baguio City- Nagkapagtala ng isang mahalagang milestone sa underground mining innovation ang OceanaGold (Philippines), Inc. matapos isagawa ang kauna-unahang wireless underground blasting trial sa Didipio Mine sa Kasibu, Nueva Vizcaya.

Matagumpay na isinagawa ang blasting trial noong Agosto 2026, kung saan ang Didipio Mine ang kauna-unahang minahan sa Pilipinas at ikalawang underground mine sa Asya na sumubok sa nasabing teknolohiya.

Ginamit sa trial ang WebGen ng Orica, ang kauna-unahang wireless blasting system sa mundo na nagbibigay-daan sa pagpapasabog sa ilalim ng lupa nang hindi nangangailangan ng tradisyunal na pisikal na koneksyon sa pagitan ng mga pampasabog.

Ayon kay James Isles, Asset President ng Didipio Mine, layunin ng kumpanya na mabawasan ang exposure ng mga manggagawa sa mga lugar na may mataas na panganib habang napapanatili ang kaligtasan at produktibidad ng operasyon.

Bukod dito, gumagamit din ang kumpanya ng AutoMine technology na nagpapahintulot sa remote o autonomous operation ng mga underground loader upang makontrol ng mga operator ang mga kagamitan mula sa isang remote control station at maiwasan ang direktang exposure sa mga panganib sa ilalim ng lupa.

Kamakailan ay sumailalim din ang mga empleyado ng Didipio Mine sa specialized training upang mapalakas ang kanilang kakayahan sa ligtas na pagpapatakbo, pagsubaybay at pag-troubleshoot ng autonomous mining equipment.

Sinusuportahan ang mga teknolohiyang ito ng underground fiber at Wi-Fi network, gayundin ng MST personnel and equipment tracking system at Helix Dispatch na nagbibigay ng mas maayos na monitoring at koordinasyon sa mga underground operations.

Gumagamit din ang OGP ng drones, satellite-based monitoring at ground sensors upang masubaybayan ang kondisyon ng minahan at ang kalagayan ng lupa sa paligid nito.

Kabilang pa sa mga makabagong sistemang ginagamit ng kumpanya ang Ventilation on Demand at predictive maintenance technology na tumutulong sa maagang pagtukoy sa mga posibleng problema sa kagamitan at operasyon.