MANKAYAN, BENGUET – Nasawi ang isang 18-anyos na walong buwang buntis matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Sitio Lower Lip-atan, Barangay Guinaoang, Mankayan, Benguet kahapon, Setyembre 3.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Corporal Don Max Takayen ng Mankayan Municipal Police Station, kinilala ang biktima na si Ivy Khate Ogues Dizon tubo ng Topdak, Atok, Benguet.
Batay sa ulat ng pulisya, nakatulog umano ang biktima sa kanilang tahanan bandang alas-4:50 ng hapon habang bumubuhos ang malakas na ulan, nang biglang gumuho ang riprap wall sa likod ng kanilang bahay. Dahil dito, natabunan siya ng lupa at debris.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Mankayan Municipal Police Station, Bureau of Fire Protection (BFP), Guinaoang Barangay Disaster Risk Reduction and Management Committee (BDRRMC), at mga volunteers upang maisagawa ang search and retrieval operation.
Narekober ang katawan ng biktima at isinugod sa Lutheran Hospital sa Abatan, Buguias. Gayunman, idineklara siyang dead on arrival ng attending physician.
Patuloy na pinapayuhan ng mga awtoridad ang mga residente sa mga landslide-prone areas na mag-ingat at maging alerto, lalo na ngayong panahon ng malalakas na pag-ulan.