BAGUIO CITY – Patuloy ang pag-apela ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation sa mga kinauukulang ahensya para makompleto na ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan sa ibat-ibang barangay sa Baguio City.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Jhon Rey Mananeng, Sangguniang Kabataan Federation President ng Baguio City, marami pang barangay sa lungsod ang walang Sangguniang Kabataan member.
Mula sa 128 na barangay sa City of Pines, 110 na barangay ang may Sangguniang Kabataan Chairman, 52 na barangay ang may quorum o minimum na miyembro at 16 na barangay lamang ang may kompletong Sangguniang Kabataan member.
Ayon kay Mananeng, matagal na nilang hiniling sa Commission on Elections (COMELEC) na magsagawa ng special election o appointment.
Binigyang-diin ni Mananeng na ang pagsasagawa ng Special election ay hindi lamang kahilingan ng lungsod ng Baguio kundi ng buong bansa dahil may ilang barangay sa bansa na walang kumpletong opisyal para sa Sangguniang Kabataan.
Naging usap-usapan na rin kung ang Commission on Elections ang itinalagang magsagawa ng espesyal na election o ang Department of the Interior and Local Government.
Personal ding pumunta sa tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Mananeng para sa kanilang kahilingan ngunit sinabi ng ahensya na hintayin nila ang direktiba o guidelines mula sa Central Office.
Kung maalala ay mahigit anim na buwan na ang nakalipas ngunit hindi pa rin nareresolba ang naturang problema.
Layunin ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation na maayos na ito para maipatupad na ang mga programa, proyekto at aktibidad na magpapabuti sa bansa lalong lalo na sa parte ng mga kabataan.