Nakatala ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Cordillera ng 197 affected road sections at 190 landslides sa rehiyon dahil sa mga pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Engineer Patrick Cerilo, Operations Chief ng DPWH Cordillera, sinabi niyang kabilang sa mga kasalukuyang closed road ang Kennon Road, Beckel–La Trinidad Road na papunta sa Nueva Vizcaya, Baguio–Itogon Road, Baguio–Mankayan–Cervantes Road, Tadian–Mankayan–Banaue via Tanudan–Baguio Road, at Mt. Province–Ilocos Sur Road.
Aniya, nasa 98 porsyento ng mga apektadong kalsada ang one-lane passable at kasalukuyan nang nililinis ng mga awtoridad.
Sinabi rin ni Cerilo na posibleng maibukas ang mga kalsada sa lalong madaling panahon kapag natapos ang clearing operations.
Samantala, nagpaalala ang opisyal sa publiko na mag-ingat at mag-take ng extra precautions sa paglalakbay. Aniya, kahit huminto na ang pag-ulan, maaari pa ring magkaroon ng mga landslide sa mga susunod na araw dahil sa patuloy na pagsubsob o paggalaw ng lupa.








