Inihayag ni Atty. Ronald Perez, isang legal expert, na malinaw umano sa Konstitusyon na ang conviction sa impeachment ay nangangailangan ng two-thirds vote ng lahat ng miyembro ng Senado.
Sa 24 na senador, ito ay katumbas ng 16 na boto.
Gayunman, nagkaroon umano ng mga pangyayaring nakaapekto sa aktwal na paglahok ng ilang senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Kabilang dito ang mga senador na hindi makadalo dahil sa legal na mga dahilan, may mga hindi mahanap o hindi makadalo sa mga pagdinig, at mayroon ding hindi makalahok dahil sa medical reasons.
Dahil dito, muling sinuri ng Senate impeachment court kung dapat bang manatiling fixed sa 16 votes ang kinakailangang bilang para sa conviction.
Bago ito, humingi ang impeachment court ng opinyon mula sa mga dating mahistrado ng Supreme Court bilang amici curiae upang makatulong sa pagbibigay-linaw sa interpretasyon ng constitutional provision na “all the Members of the Senate.”
Ayon kay Perez, nananatili pa rin umano ang constitutional requirement na two-thirds vote. Ang nagbago lamang ay ang magiging basehan o denominator sa pagkukuwenta nito, depende sa mga senador na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa proceedings.
Noong September 23, 2026, pinagtibay ng Senate impeachment court ang bagong formula kung saan hindi isasama sa denominator ang mga senator-judge na hindi legal o factual na makalahok sa proceedings.
Sa kasalukuyang komposisyon ng mga maaaring bumoto, 20 senator-judges ang kabilang sa voting base. Dahil dito, ang two-thirds ay 13.33 at kailangang i-round up sa 14 na boto dahil walang fractional vote ng senador.
Samantala, sinabi ni Perez na maaari pa ring maging subject sa judicial review ang usapin ng voting threshold at maaari itong kuwestiyunin sa Supreme Court, kahit na ang Senate impeachment court ang may kapangyarihang magpasya sa sarili nitong proceedings.
Nilinaw naman ng Senate impeachment court na ang bagong ruling ay para lamang sa kasalukuyang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte o tinatawag na pro hac vice.
Dahil dito, hindi umano ito awtomatikong magiging binding precedent sa mga susunod na impeachment proceedings. Maaari lamang itong magsilbing persuasive o gabay sa mga susunod na impeachment court.











