--Ads--

KIBUNGAN, BENGUET – Naaresto ng mga awtoridad ang dalawang High Value Individual (HVI) na umano’y marijuana cultivators sa isang operasyon sa Sitio Dalipey, Brgy. Tacadang, Kibungan, Benguet noong ika-30 ng Agosto.

Kinilala ang mga naaresto bilang isang 18-anyos na residente ng Brgy. Tacadang, Kibungan, at isang 20-anyos na residente ng Brgy. Bulaan, Sudipen, La Union.

Nahuli sila ng mga operatiba mula sa 1st Benguet Provincial Mobile Force Company (PMFC) habang aktong naglalagay ng fertilizer sa mga tanim na marijuana.

Nasamsam sa kanilang plantasyon ang nasa 1,463 fully grown marijuana plants (FGMJP) at 1,720 marijuana seedlings na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱361,400.

Agad dinala ang mga suspek sa Kibungan Municipal Police Station (MPS) para sa dokumentasyon at kasalukuyan silang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Base sa report ng mga awtoridad, hindi nila isiniwalat ang pagkakakilanlan ng mga suspek.

Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagtutulungan ng 1st at 2nd Benguet PMFC, Provincial Special Operations Group, Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), at Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Benguet Police Provincial Office, Kibungan MPS, Regional Intelligence Division ng PRO-CAR, Regional Intelligence Unit-14, at PDEA-CAR.