Dalawang empleyado ng Benguet Provincial Engineering Office (PEO) ang nasawi matapos mahulog ang kanilang sinasakyang loader sa bangin na tinatayang 100 metro ang lalim sa Lower Kesbeng, Poblacion, La Trinidad, Benguet ngayong hapon ng Hulyo 29, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa Bureau of Fire Protection (BFP)–La Trinidad, nagsasagawa ng clearing operation ang grupo kaugnay ng soil erosion sa lugar nang mangyari ang insidente.
Ayon sa paunang imbestigasyon, posibleng nawalan ng preno ang loader habang nasa kurbadang bahagi ng kalsada.
Dahil dito, nawalan ng kontrol ang operator at tuluyang nahulog ang sasakyan sa bangin.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Redentor Roldan ng Kesbeng, Poblacion at Rex Gayang ng Lubas, parehong residente ng La Trinidad.
Batay sa ulat ng BFP-La Trinidad, apat ang sakay ng loader. Dalawa ang pinalad na makaligtas matapos tumalon bago pa mahulog ang sasakyan.
Agad namang humingi ng saklolo ang mga nakaligtas at naisugod sa pinakamalapit na ospital.