--Ads--

TUBA, BENGUET – Patay ang dalawang indibidwal habang nagpapagaling ang kanilang kasama sa pagamutan, matapos mahulog ang kanilang sinasakyang truck sa bangin sa Sitio Maramal, Camp 5, Barangay Camp 4, Tuba, Benguet, kaninang alas onse ng umaga.

Kinilala ang mga nasawi na sina Michael Gayob Mader-an, 46-anyos, driver, at James Liwan Wagne, 31-anyos, pahenante, parehong residente ng Tadiangan, Tuba, Benguet.

Ang nasugatang pahenante na si Agosto Bolodoken, 49-anyos, residente rin ng Tadiangan, Tuba, Benguet, ay kasalukuyang nagpapagaling.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo sa Tuba Municipal Police Station, papuntang La Union ang Blue Utility Vehicle Mini Dump Truck nang mawalan ito ng preno.

Dahil dito, nahulog ang truck sa bangin na may lalim na 100 metro, patungo sa Bued River.

Agad na nagresponde ang mga awtoridad at mga volunteers, at natagpuan ang mga biktima na walang malay.

Agad silang binigyan ng first aid at isinugod sa Baguio General Hospital and Medical Center.

Matapos lamang ang ilang minuto, idineklara ng attending physician na patay si James Wagne dahil sa hemorrhagic shock, habang si Michael Mader-an ay namatay dahil sa pagkalunod.

Kasalukuyang inoobserbahan ang kalagayan ni Agosto Bolodoken matapos magtamo ng sugat sa ulo at kaliwang bahagi ng katawan.

Samantala, nagpaalala si Police Staff Sergeant Jefferson Taruc, investigator ng Tuba Municipal Police Station, sa mga biyahero na dadaan sa Kennon Road na sundin ang mga batas trapiko, lalo na sa mga makitid at maraming palikong kalsada.